Fixer at ministro laglag sa 'kasal-kasalan'
MANILA, Philippines - Nalambat ang isang ministro ng isang Christian religious group at isang ‘fixer’ ng pekeng kasalan, nang isailalim sa entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), sa ilalim ng Light Rail Transit-Central station, sa Arroceros , Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong estafa through falsification of public document at attempted estafa ang mga nadakip na suspect na sina Faustino R. Flores , 45, walang trabaho at residente ng no. 971 New Antipolo st., Tondo, Maynila at si Reverend Romeo Rialf.
Sa imbestigasyon ni PO3 Reginald delos Reyes, ng MPD-General Assignment Section, dakong alas-12:00 ng hapon ng Lunes nang arestuhin ang mga suspect sa LRT-Central station ng mga tauhan ni Mayor’s Complaint Action Team (MCAT) chief ret. Col. Franklin Gacutan, matapos aksiyunan ang reklamo ni Laura Flores dela Cruz, 60 ng Brgy. Gatbuca, Calum pit, Bulacan.
Sinabi ni dela Cruz, na nanghingi ng halagang P80,000, ang pamangkin niyang si Flores na nagpakilalang empleyado ng Manila City Hall, nang ikasal ang kaniyang anak na si Eloisa sa isang British national noong Setyembre 17, 2009,
Mismong si Rev. Realf umano ang nag-officiate ng ‘kasalan’ subalit nang kumuha sila ng kopya ng marriage certificate sa National Statistic’s Office (NSO), hindi umano nakarehistro doon kaya’t sinubukang kumuha na lamang sa San Juan City Hall, ang lugar na nakasaad sa marriage certificate , na una nang ibinigay ng suspect at natuklasang hindi rin nakarehistro.
Dahil sa pagdududa na napeke sila ni Flores, tinawagan ito ni dela Cruz at ipinaabot ang problema sa hindi makuhang kopya.
Sa halip na bigyan ng kopya, tumawag ang suspect kay Rev. Realf at pinakausap si dela Cruz na nagsabing dapat ay magdagdag umano ng P20,000.
Lingid sa kaalaman ng suspect ay handa na ang pain laban sa kanila nang makipagkita si dela Cruz, at sa aktong hawak ni Flores ang P20,000 ay inaresto ang mga ito.
- Latest
- Trending