MANILA, Philippines - Plano ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dagdagan ang pabuya sa mga sibilyan na kusang magbabalik ng mga cocaine bricks na bahagi sa 2 toneladang drogang itinapon sa karagatan ng Samar.
Ayon sa PDEA, ang karagdagang pabuya sa sibilyan ay upang mapabilis ang pag-recover sa mga droga na hanggang sa kasalukuyan ay nasa kamay pa ng ilang mga mangingisda sa pag-aakalang makapagbibigay-ginhawa sa kanila sa sandaling maibenta.
Sa ngayon, nagbibigay ang pamunuan ng PDEA-8 ng pabuyang isang sakong bigas kapalit ang bawat cocaine brick na isasauli sa kanila o kaya’y sa Philippine National Police.
Sinabi ng pamunuan na sa sandaling magkaroon ng karagdagang pabuya ay posibleng mapabilis ang pagsasauli sa mga droga na patuloy na itinatago ng ilang sibilyan.
Nauna nang nagbabala si PDEA Director Senior Undersecretary General Dionisio Santiago sa mga ibinebentang cocaine sa ilang lugar sa Metro Manila na galing sa Samar dahil inilalagay na rin ito sa tingi-tinging pamamaraan na bagong estilo ng mga drug pushers.
Ayon sa report na natanggap ng ahensiya, ang naka-sachet na droga ay hinahaluan na rin ng extenders kung kaya hindi na puro ang pagkakalagay nito.
Kamakailan lang ay itinurn-over sa PDEA ang may 131 na bricks ng cocaine na na-recover ng inter-agency Task Force Samar Cocaine Bricks na binubuo ng mga PDEA, PNP Regional Office 8, PNP-AIDSOTF at ang Philippine Coast Guard.