Anti-carnapping ng NCRPO suspendido
MANILA, Philippines – Pansamantala munang sinuspinde ang operasyon ng Anti-Carnapping Unit ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon na sinadyang paslangin ang lider ng carnapping syndicate na si Ivan Padilla nang isugod sa pagamutan matapos ang isang engkuwentro kamakailan.
Hindi naman nagbigay ng katiyakan si NCRPO Director Leocadio Santiago kung hanggang kailan ang suspensyon ng Regional Police Intelligence Operation Unit- Anti-Carnapping (RPIOU-ANCAR) na nasa pamumuno ni Supt. Maristelo Manalo.
Sinabi ni Santiago na isang imbestigayson ang isinasagawa makaraang umalma ang mga magulang at kaanak ng nasawing si Padilla na rub-out ang naganap na insidente nang madakip ang naturang grupo sa Makati City nitong nakaraang Lunes.
Sa panayam kay Sr. Insp. Ricardo Bachar Luciano, hepe ng Investigation ng Anti Carnapping, wala silang magagawa kundi tumalima sa kautusan ni Santiago.
Pinanindigan din ni Luciano na shootout ang naganap noong Lunes ng madaling-araw nang makipagbarilan sa kanila ang grupo ni Padilla.
Kaugnay nito, nakatakdang ipulong ni Santiago ngayon araw ang lahat ng tauhan ng RPIOU-ANCAR kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR).
Magugunitang nakapanayam ng isang TV network ang ina ni Padilla na si Malou kung saan sinabi nitong malinaw na rub-out ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak dahil sa pagkabali umano ng buto nito sa leeg na nagresulta ng “Asphyxia” o pagkaubos ng hinihingang “oxygen”.
- Latest
- Trending