Talent manager timbog sa entrapment
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang talent manager matapos maaresto sa entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District sa Las Piñas City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay C/Insp. Fernando Opelanio, hepe ng PD-District Police Intelligence and Operation Unit (DPIOU), sasampahan nila ng kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code (swindling/estafa) at paglabag sa Republic Act 7610 (Child Abuse) ang suspect na si Philip Regis Gomez, residente ng Unit 1020-A Harrison Mansions Condominium, Pasay City at nagpapakilalang managing director ng “All Star Cast” Productions.
Batay ito sa inihaing reklamo ni Rina Cadano, 41, negosyante, ng B.F. Homes, Parañaque City, ina ng tatlong menor-de- edad na biktima at isang 19-anyos.
Sa report ng pulisya, dakong alas-4:25 ng hapon nang arestuhin si Gomez sa aktong tinatanggap ang P5,000 marked money, mula sa mga biktima sa loob ng Starbucks, sa Las Piñas City.
Aminado si Cadano na nagtiwala siya sa matamis na dila ng suspect dahil sa ipinakitang mga kontrata ng kanyang mga naging talent na inilalabas umano sa isang mall show para tuluyang maging artista.
Ipinagyabang umano ni Gomez na kasama niya sa production ang isang kolumnista at isa sa kasalukuyang talent umano niya ang anak ni Lala Aunor, pamangkin ni Superstar Nora Aunor.
Dahil sa mahigit dalawang buwan na puro postpone ng mall shows at ilang acting, singing workshop, nagduda si Cadano dahil patuloy pa sa paghingi ng pera ang suspect na umabot na sa kabuuang P30-libong natangay sa kanya at sa isang ginang na may dalawang anak din na nais maging artista.
Wala rin umanong studio para sa venue ng workshop hanggang sa sila pa umano ang nagbayad sa isang park sa Las Piñas City na pinagdausan ng workshop at wala ring nailutang na trainor sa singing, dancing at acting ang suspect, taliwas sa mga pangako na marami siyang tauhan para magturo sa mga bata.
Nang iberipika ng ginang sa Security and Exchange Commission (SEC) kung saan natuklasang hindi naman nakarehistro ang nasabing promotion at hindi rin awtorisado ang suspect na mag-recruit ng talents. Wala ring maitu rong opisina ang suspect ng All Star Cast Productions kung saan inihanda na ang entrapment laban dito.
- Latest
- Trending














