'Tulak' timbog, pulis nabulag sa operasyon

MANILA, Philippines - Nadakma ng mga elemento ng Quezon City police ang isang pusher pero nabaril naman ang isa nilang kasamahan na naging dahilan ng pagkabulag nito sa isang operasyon kamakalawa sa nabanggit na lungsod.

Kasalukuyang ginagamot sa St. Luke’s Medical Center si PO3 Joel Almazan ng QCPD-District Anti-Illegal Drugs sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ibaba ng kanyang kanang mata dahilan para mabulag ito.

Kinilala naman ang nadakip na ‘tulak’ na si Joel Prayta, 30, habang nakatakas naman sa insidente ang isa pang kasamahan nito na si Orak Amid alyas “Botchok”.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Roberto Razon, hepe ng QCPD-DAID, nagsagawa ng operasyon ang kanyang mga tauhan dakong alas-7 ng gabi sa tapat ng Isetann Dept. Store na matatagpuan sa C.M. Recto, Maynila.

Pero unang naglunsad ng sur­veillance ang ka­nilang grupo sa area ng Talayan area sa Quezon City, dahilan sa sinasabing talamak na bentahan ng droga roon.

Pagdating ng mga operatiba sa lugar, habang ini­abot ng poseur-buyer ang halagang P27,000 na marked money ay agad naamoy ng mga suspek na pulis pala ang kanilang ka-transak­syon dahilan para paputukan si Almazan pero napo­sasan naman si Prayta makaraan ang matinding habulan.

Show comments