MANILA, Philippines - Nagdulot ng tensiyon ang isang tawag sa telepono na pasasabugin umano ang Court of Appeals (CA) sa Ma. Orosa St., Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Gayunman, nahimasmasan ang lahat ng CA personnel nang ideklara ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD) na walang bomba na natukoy sa lugar at isang prank caller lamang na lalaki ang tumawag at natanggap ni security guard Abelardo Catbagan dakong alas-6:40 ng umaga.
Sinabi ni MPD-EOD chief C/Insp. Oliver Navales, posibleng ang tumawag umano ay naglalayon lamang na magkagulo at ma-reschedule ang mga pagdinig kahapon sa CA.
Babala umano ng prank caller na “Mayroong bomba dyan sa docket office. Sasabog yan anumang oras.”
Agad namang dumating sa erya ang EOD at clear naman umano sa bomba ang lugar, gamit ang 2 K-9 units sa paghalughog. Dakong alas-9:30 ng umaga ay nagsibalikan na sa kanilang tanggapan.