Ginang umiwas sa holdap, patay sa pagtalon sa jeep
MANILA, Philippines - Sa takot na maholdap, isang ginang ang nasawi matapos piliing tumalon na lamang mula sa isang pampasaherong dyip sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Tuluyan nang binawian ng buhay sa Metropolitan Medical Center (Metropolitan Hospital) ang biktimang si Marian Lapinib, vendor, tubong Cebu at residente ng Mayhaligue corner Masangkay Sts., Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-3:30-4:40 ng madaling araw sa loob ng isang pampasaherong jeepney (TAL 978) sa kanto ng CM Recto Avenue at Jose Abad Santos St., Tondo.
Nabatid na pa-northbound umano ang sinasakyang dyip ng biktima nang nagdeklara ng holdap ang mga suspect na nagpanggap ding mga pasahero.
Habang nililimas ng mga suspect ang mahahalagang kagamitan, wallet at cellphone ng mga pasahero, nataranta umano ang biktima at biglang tumalon sa dyip hanggang sa humampas ang ulo bago tuluyang lumaglag sa sementadong kalye.
Sinamantala pa ng mga suspect ang kondisyon ng ginang at tinangay ang P8,000 cash na pera nito.
Isinugod ng mga nakakitang residente sa lugar ang ginang sa pagamutan kung saan ito tuluyang namatay.
- Latest
- Trending