Nalugi sa negosyo, mister nagbigti

MANILA, Philippines – Hindi na nakayanan ng isang 50-anyos na mister ang dami ng problemang dinadala niya sa buhay kung kaya naisipan nitong magpakamatay sa pama­magitan nang pagbibigti sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Bagbag sa lungsod Quezon kahapon.

Ang labis na depression matapos malugi sa kan­yang buy and sell business at pag-aaway nilang mag-asawa ang sinasabing ugat para magpakamatay si Rolando Guillermo ng   Blas Roque St., ng nasa­bing barangay.

Ayon sa pulisya, ganap na alas-5 ng umaga nang matagpuan ang biktima ng kanyang asawang si Re­medios habang naka­bitin sa kisame ng kanilang bahay gamit ang nylon cord.

Sinabi ni Remedios, bago ito, nang gabi ng alas-7 nagkaroon umano sila ng pagtatalo ng   asawa at umalis siya ng bahay at nakitulog muna sa kanyang bayaw na si Jorge Margallo kung saan naiwang mag-isa sa kani­lang bahay ang una.

Pagbalik ni Remedios ng alas-5 ng umaga ay saka niya natuklasan ang pag­ papakamatay ng mister.

Ayon pa kay Remedios, nakakaranas na umano ng depresyon ang asawa matapos na malugi ang kanilang negosyo kaya simula noon ay madalas umano siyang sabihan nito ng “Hayaan niyo malapit na kayong maging malaya at gagawa ako ng eksena.”

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) narekober sa lugar ang isang yellow pad na may nakasulat na kata­gang “Mahal ko kayong lahat bilang pamilya ko at patawad sa lahat lahat... ama”.

Show comments