Sales rep pumalag sa holdap, binoga

MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang sales representative nang barilin ng isa sa dalawang hindi pa naki­kila­lang mga holdaper matapos manlaban ang una sa Caloocan City kahapon ng umaga.        

Ginagamot sa Manila Central University Hospital sanhi ng tama ng bala sa noo ang biktimang si Salvador Maca­tugay, 50, ng nabanggit na siyudad.

Base sa inisyal na report ng pulisya, alas-9:40 ng umaga, sakay ng kanyang Lancer (PMY-321) ang biktima at pinuntahan ang isang kliyente sa 4th St., 11th Avenue ng naturang lungsod.       

Pagbaba nito ng sasakyan ay nilapitan ito ng mga suspek at tinutukan ng baril sabay deklara ng holdap. Nan­laban naman ang biktima nang tangkaing kunin ang suot niyang bracelet dahilan upang barilin siya nang malapitan ng isa sa mga suspect.

Agad namang tumakas ang mga suspect dala ang bracelet ng biktima, habang isinugod naman ng mga saksi ang huli sa pagamutan kung saan nasa kritikal itong kondisyon.

Show comments