MANILA, Philippines – Nagwakas ang pangarap ng mga magulang ng isang 4th year high school student na makatapos ito ng pag-aaral matapos na saksakin sa dibdib at mapatay ng kapwa nito estudyante sa loob ng kanilang paaralan sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Namatay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Simon Salud, ng Commonwealth High School at residente sa Schilling St., Brgy. North Fairview sa lungsod.
Agad namang sumuko ang suspect na Mike Roldan Roquitez, 19.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Neil Garnace ng CIDU-QCPD, nangyari ang insidente sa loob ng compound ng Commonwealth High School sa pagitan ng Mathay at Simon Bldg. ganap na alas-6:50 ng umaga.
Ayon kay Garnace, may matagal nang alitan sa pagitan ng biktima at suspect na pinalalagay na dahil sa kanilang mga gang, ngunit sinisiyasat pa nila ang ukol dito.
Diumano, bago naganap ang pananaksak, dumalo muna sa kanyang unang subject ang biktima at nang matapos ito ay saka lumabas ng kanilang klase kasama ang kaklase na si Jose More para pumunta sa section 35.
Habang naglalakad ay nasalubong ng biktima ang suspect. At dahil may dati nang alitan ay biglang nagsuntukan ang dalawa.
Nasa kainitan ng suntukan ang dalawa nang may madampot na screw driver ang suspect at itinarak sa dibdib ng biktima dahilan upang bumuwal agad ito sa sahig.
Mabilis na tumakas ang suspect makaraan ang pananaksak, habang ang biktima na agad na isinugod sa ospital subalit hindi na rin naisalba pa ang buhay nito.
Sa kasalukuyan patuloy naman ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspect.