Rollback sa presyo ng LPG, krudo

MANILA, Philippines - Magkakasunod na nagpatupad ng rollback sa presyo ng “liquefied petroleum gas (LPG)” at iba pang produk­tong petrolyo gaya ng gasoline, diesel at kerosene ang mga kompanya ng langis kahapon ng madaling-araw. Dakong alas-12:01 ng madaling-araw nang magpatupad ng rollback ang Filipinas Shell ng P1 kada kilo o P11 kada 11 kilo na tangke ng LPG habang ibinaba rin ng nabang­git na kompanya ng kakatiting na P0.25 sentimos ang presyo ng V-Power, premium gasoline, unleaded gasoline, diesel at kerosene.         

Gaya ng Shell, sumunod din na nagpatupad ng roll­back sa kaparehong halaga sa presyo ng LPG at iba pang produkto ang Petron. Sumunod din sa P0.25 roll­back sa gasoline, diesel at kerosene ang Chevron Philip­pines, at SeaOil. Pawang itinaas naman ng P0.25 kada litro ang presyo ng regular na gasolina ng naturang mga kom­panya ng langis. 

Ibinase umano ang pagbababa sa mga presyo sa kasalukuyang halaga ng petrolyo sa internasyunal na pamilihan. Samantala, ang LPG Marketers Association (LPGMA) ay nagtapyas naman ng P0.50 kada kilogram sa presyo ng kanilang produkto. 

Show comments