MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na kapwa miyembro ng Batang City Jail (BCJ) na pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan ng mga tauhan ng Leonel Waste Managament sa ilalim ng Quezon bridge sa Quiapo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kapwa may bakas ng pagkabigti ang mga leeg ng mga biktimang sina Jimmy Reyes, 31, batay sa nakuhang driver’s license sa kanyang katawan, miyembro ng Batang City Jail (BCJ), nakasuot ng itim na cargo short pants at walang damit pang-itaas, tadtad ng tattoo sa katawan at residente ng Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila habang ang isa pang bangkay ay kinilala sa alyas na “Ivan”, tinatayang 30-40 anyos, miyembro ng BCJ, may highlights ang buhok at nakasuot ng gray na camouflage cargo shorts.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng madaling- araw nang matuklasan ang magkatabing bangkay sa ilalim ng nasabing tulay malapit sa Handicraft Shops, Quiapo, Maynila.
Naglilinis ang isang Noel de Castro ng Leonel Waste nang mapansin ang dalawang lalaki sa kalye na magkatabing nakabulagta.
Ang mga labi ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa St. Yvan Funeral Homes.