MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Land Transportation Office (LTO) chief Virgie Torres na hinihintay nila ang pormal na kautusan mula sa Department of Transportation Office (DOTC) hinggil sa isyu ng pagre-refund sa Radio Frequency Identification (RFID) fee na kinolekta mula sa mga motorista.
Ayon kay Torres, kaagad nilang ipapatupad ang nasabing kautusan subalit kailangan muna nilang pag-aralang mabuti kung paano ipapatupad ang refund sa mga nasingil na RFID fee.
Sinabi pa ni Torres, kailangan na epektibo at mabilis ang kanilang gagawing sistema at matiyak na ang refund ay makukuha mismo ng mga motorista.
Bagamat nagpalabas ng “status quo ante order” ang Korte Suprema sa isyu ng RFID, wala pang pinal na desisyon ipinalalabas ang Hukuman.
Sa ngayon aniya, ang RFID project ay pinag-aaralan pa ng Korte Suprema na nangangailangan ng malinaw na paliwanag.