MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ngayon ang isang pulis na nakatalaga sa Manila Police District-Station1 makaraang magpabaya umano sa pagbabantay sa isang murder suspect na nakaratay sa Metropolitan Hospital, kamakalawa sa Tondo, Maynila.
Nabatid na si Marcelino Nicholas, 64, biyudo at residente ng 392-A Pilapil St.Tondo, Maynila ay nakapuga sa nasabing pagamutan matapos iwanan ng nakabantay dito na si PO2 Arthur Pineda, nakatalaga sa Raxabago Tondo Police Station 1.
Si Nicholas ay sinampahan ng kasong murder dahil sa pagpatay sa kanyang kaalitang kapitbahay na si Roberto Co, negosyante, ng Pilapil St. Tondo, Maynila noong nakalipas na Hulyo 7, 2010 dahil sa obstruction nang ireklamo ng suspect ang nakabalandrang mga kagamitan sa pagpa-renovate ng biktima ng kanilang bahay.
Ayon kay PO3 Jonathan Bautista, sa pagitan ng ala-1:30 hanggang alas-2 ng hapon nang hindi na makita ang suspect sa Room 508, ng Metropolitan Hospital matapos tumanggi ito na muling ikabit sa braso ang dextrose na ipinatanggal ng kaniyang attending doctor.
Nalaman na si Pineda at PO2 David Sexmoan ang idinetail para magbantay kay Nicholas noong ito ay makatakas.
Lumabas umano sa hospital si Pineda, dakong alas-11:15 para kumain ng tanghalian at bumalik ito sa hospital dakong alas-2:35 ng hapon, kung saan nakatakas na ang suspek.