MANILA, Philippines - Tuluyan nang napasakamay ng Quezon City Police (QCPD) ang dalawang miyembro ng “Dura-Dura gang” kabilang ang isang babae na nagtangka pang suhulan ang awtoridad para makalibre sa pag-aresto, ayon sa pulisya kahapon.
Nakilala ang mga suspect na sina Johnrey Baltazar, 27; at Lisa de Jesus, 46, kapwa residente sa Floodway, Taytay Rizal.
Sa ulat, unang nadakip ng mga operatiba ang suspect na si Baltazar makaraang biktimahin ng grupo nito sina Sherryl Mundo, 29, negosyante; at Glenda Lou Toranno, 20, habang sakay ng isang pampasaherong jeepney sa may Kahabaan ng Quezon Avenue ganap na ala-1:20 ng hapon.
Ang modus, sinabihan ng mga suspect ang dalawa na may dura ang kanilang mga balikat at nang punasan ng mga huli ay saka sinimulang dukutin ang kanilang gamit sa bag.
Napuna ito ng mga biktima sanhi upang magpasya silang bumaba, pero hinarang ng mga suspect at para hindi makagawa ng komosyon ay pinaghahawakan ng mga suspect ang maselang parte ng katawan ng mga una.
Ngunit nagpumiglas ang mga biktima hanggang sa makatalon ang mga ito sa jeepney, tiyempo namang nagpapatrulya ang mga MMDA personal sa lugar at nakita sila at sinaklolohan hanggang sa habulin ang mga suspect at madakip si Baltazar.
Samantala sa presinto habang nakapiit sa Baltazar ay nagpunta dito si De Jesus at tinangkang suhulan ng pera ang mga operatiba dahilan upang ito ay arestuhin.
Kapwa nakapiit ngayon ang mga suspect sa nasabing himpilan.