Lolo nagbigti sa puno dedo
MANILA, Philippines - Sa puno ng malungay gamit ang isang nylon cord winakasan ng isang 66-anyos na lolo ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili dulot ng labis na kalungkutan sa kinakasama na iniwan niya sa probinsya, ayon sa Quezon City Police kahapon.
Si Oscar Fabunan, 66, ng Narcisus St., Brgy. Roxas District sa lungsod ay nagawa pang maitakbo ng kanyang kaanak sa ospital ngunit idineklara din itong patay.
Ayon kay PO3 Jogene Hernandez ng Criminal Investigation and Detention Group ng QCPD, ang nangyari kay Fabunan ay pangalawang pagtatangka na ginawa nito sa kanyang buhay kung saan bago ito magbigti ay nagtangka umano itong magpasagasa sa sasakyan, ngunit napigilan lamang ng kapatid.
Lumilitaw na ganap na alas-12:20 ng tanghali nang matagpuan ang nasawi ng kapatid na si Leonila Fabunan-Cortez habang nakabitin sa puno ng malungay malapit sa kanilang tinutuluyan sa lungsod.
Sinabi ni Aling Leonila, naging malulungkutin umano ang kanyang kapatid dahil sa ginawa nitong pag-iwan sa live-in partner na nasa San Antonio, Zambales. Hindi naman batid ang rason kung bakit iniwan ng biktima ang kinakasama at lumuwas sa Manila. Patuloy ang pagsisiyasat ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending