MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng Angat Dam na wala na sa critical level ang nasabing dam bunsod na rin ng sunud-sunod na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Ayon kay Engr. Rodolfo Hernan, plant manager ng Angat dam, umabot na sa 162.74 meters ang water level sa naturang dam na mas mataas sa 160 meters na critical level ng tubig sa Angat dam.
Ani Hernan, 20 metro na lamang ang kailangang tubig sa dam upang bumalik na sa normal ang water level nito.
Sinabi ni Hernan na kapag nagpatuloy pa ang ulan sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo, garantisadong balik na sa normal ang water level sa dam.
Una rito, iniulat ng Maynilad Waters na gumanda na ang kondisyon ng suplay ng tubig sa Metro Manila mula sa Angat dam dahil sa patuloy na pag-ulan.