MANILA, Philippines - Papasukin ng bagong pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang makabagong teknolohiya sa “internet” partikular na ang mga “social networking sites” na Facebook at Twitter upang maibahagi nang mabilis ang mga programa ng ahensya at makaugnayan ang publiko para sa mga suhestiyon at maging mga puna.
Sa “turn-over ceremony” kahapon kung saan pinalitan ni Francis Tolentino si Oscar Inocentes, sinabi nito na magiging bukas ang MMDA sa mga suhestiyon ng taumbayan o pagbibigay ng prayoridad sa “civil will” upang maramdaman ng tao na pinakikinggan sila ng ahensya. Magiging lantad umano sa publiko ang lahat ng programa ng ahensya at maging ang gastusin sa kanilang mga proyekto.
Dahil sa dami ng mga may accounts sa Facebook at Twitter, mabilis umanong maipababatid ng MMDA ang kanilang araw-araw na “advisories” sa trapiko, mga programa at mga batas na ipatutupad.
Sinabi rin nito na magiging makatao at gagalangin ang karapatang pantao ang ahensya ngunit ipagpapatuloy pa rin ang pagdisiplina sa mga pasaway na “sidewalk vendors, informal settlers”, at mga tsuper.
Ipagpapatuloy din ni Tolentino ang programa ni Inocentes na huwag nang magbigay ng eksempsyon sa mga VIP sa pinaiiral na “Unified Vehicle Volume Reduction Program o number coding” maliban sa mga lehitimong miyembro ng media na nasa duty at mga doktor na may tawag na emergency.
Kumpiyansa naman si Tolentino na magiging maayos ang kanyang pakikitungo sa mga Metro Mayors na bumubuo ng Metro Manila Council (MMC). Una nang kinausap nito si Makati Mayor Junjun Binay na nagbigay ng kanyang suporta sa programa ng ahensya bagama’t hindi pa natiyak kung susunod na ito sa alituntunin sa trapiko na ipinatutupad ng MMDA.
Makakahinga naman nang maluwag ang mga opisyales ng MMDA makaraang ihayag ni Tolentino na walang magaganap na balasahan sa kanyang pag-upo upang hindi mabalam at maipagpatuloy umano ang programa ng ahensya.