Ex-RP envoy, trader biktima ng carjack

MANILA, Philippines - Muling nalusutan ng mga armadong carjackers ang seguridad ng pulisya makaraang magkasunod na tangayin ang mga sa­sakyan na pag-aari nina Ambassador Roberto Ro­mulo at ng isang negos­yanteng Hapones, kama­kalawa ng hapon sa Ta­guig City.

Sa ulat ng Taguig City police, tinangay ng mga salarin ang Toyota Camry (ZNL-415) na pag-aari ni Ambassador at dating Foreign­ Affairs Secretary Roberto Romulo at Toyota Innova (ZCE-378) na pag-aari naman ng Hapones na si Koji Hasegawa.

Si Romulo ay naging kalihim ni dating Pangu­long Fidel Ramos.

Batay sa imbestigas­yon, kapwa nagmemer­yenda ang driver ni Ro­mulo na si Danilo Quilong at driver ni Hasegawa na si Nomer de Vera sa Merit Road sa may Fort Boni­facio malapit sa Department of Energy compound dakong alas-2 ng hapon nang pumarada sa ka­nilang harapan ang isang Honda CRV na walang plaka at naglabasan ang mga armadong salarin.

Unang bumaba ang dalawa sa mga suspect na nakasuot ng maskara at armado ng mahahabang baril kung saan agad na tinutukan ang dalawang driver. 

Sapilitang kinuha ng mga ito ang susi ng ka­nilang mga minamane­hong sasakyan na pina­lagan naman nina Quilong at De Vera ngunit sumu­nod din makaraang mag­pa­putok ng baril sa ere ang mga carjacker.

Sumakay ang dala­wang nakamaskarang carjacker sa Camry at Innova na pinaharurot patungo sa direksyon ng C-5 Road sa Makati City kabuntot ang Honda CRV na kinalululanan ng iba pang miyembro ng sin­dikato.

Ayon kay Chief Insp. Reyante Ibon, hepe ng Anti-Carnapping Section ng Taguig Police, inatasan umano ni Ambassador Romulo ang kanyang driver na magtungo sa Highway Patrol Group (HPG) sa Camp Crame upang doon maghain ng pormal na reklamo.

Show comments