^

Metro

Pader gumuho: 30 bahay natabunan, 20 sugatan

- Angie dela Cruz, -

MANILA, Philippines - Dalawampung katao ang iniulat na nasugatan, habang may 30 kabahayan naman ang napinsala makaraang gumuho ang pader sa isang ginagawang condominium sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Dahil dito, agad na ipinag-utos kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pagpapahinto sa ginaga­wang condominium building kasabay ng kautusan sa city engineering office na pinamu­munuan ni Engr. Rolando Eduria na agad na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy kung may kasalanan sa naganap na pagguho ang developer ng ginagawang gusali.

Ayon sa alkalde, kapag napatunayan sa isasagawang imbestigasyon na may kakula­ngan ang developer ng gina­gawang condominium building ay agad niyang irerekomenda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito.

Samantala, nagpadala na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa 300 pamilyang naapektuhan ng naganap na pagguho ng pader.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang bigla na lamang gumuho ang pader ng dating Manila Paper Mills na mata­tagpuan sa Area C, Malichu Interville Subdivision, Caloocan City .

Ayon sa mga residente, habang kasagsagan ng ma­lakas ng pagbuhos ng ulan   bigla na lamang silang nakarinig ng ingay na nagmumula sa kanilang mga bahay at nang siyasatin ng mga ito ang nang­yayari ay nakita na lamang nila ang biglang pagguho ng pader.

Agad na tinabunan ng nagka­bitak-bitak na semento at adobe ang mga kabahayan habang ang ilang residente kabilang na ang mga kabataan ay hindi agad nakalabas na nagresulta sa pagkakaroon ng galos at sugat ng mga ito sa katawan.

Nangako rin ang alkalde na gagawin ng lokal na pama­halaan ang lahat ng makakaya nito para matulungan ang mga naapektuhang residente hang­gang sa tuluyang makabawi ang mga ito sa naganap na sakuna.   

AREA C

AYON

CALOOCAN CITY

CALOOCAN CITY MAYOR ENRICO

DAHIL

MALICHU INTERVILLE SUBDIVISION

MANILA PAPER MILLS

ROLANDO EDURIA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with