MANILA, Philippines - “Pulis, Holdap.”
Ito ang mga katagang nagpahamak sa buhay ng isang 45-anyos na Arab national nang barilin siya ng isa sa riding in tandem na holdaper nang magpasaklolo sa nakitang pulis sa aktong hinoholdap siya sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Tuluyang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang biktimang si Faiz Zhaheen, negosyante at residente ng Solis St., Tondo, Maynila.
Sa inisyal na ulat ni SPO2 Renato Viray, desk officer ng Manila Police District-Station 7, dakong alas-11 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng Lakandula Elementary School, sa Solis st.,Tondo.
Nagmamaneho ang biktima ng kaniyang motorsiklo habang naka-angkas umano ang nagpakilalang asawa na si Leah Mendriono Pusing, nang dikitan sila ng riding in tandem na mga suspect at magdeklara ng holdap.
Walang nagawa ang biktima nang kusang ibigay na umano ni Pusing ang mga suot na gintong bracelet at kuwintas subalit eksaktong dumaraan umano si PO2 Carlo Hernandez, nakatalaga sa PNP Camp Crame, nang sumigaw umano si Zhaheen nang “Pulis, holdap,” upang magpasaklolo kaya nataranta umano ang driver ng motorsiklo na pinaharurot papalayo ang sasakyan habang naiwan naman ang isang suspect.
Binaril umano ng naiwang suspect si Zhaheen bago nakipagbarilan kay PO2 Hernandez .Walang tinamong tama ang suspect dahil nakakubli umano ito at tuluyang nakatakas.
Nakita na lamang sa di kalayuan na itinapon ang suot na helmet at t-shirt na puti ng suspect na hinihinalang nakapagpalit ng damit o naghubad na lamang.
Nagsasagawa din ng follow-up operation ang mga tauhan ni MPD-Station 7 Supt. Remegio Sedanto sa Solis st, Tondo at kalapit na lugar, na matagal nang pinamumugaran ng mga armadong holdaper, sa ilang dekadang nakalipas.