PSN reporter hinoldap, muntik ma-rape

MANILA, Philippines - Nakaligtas sa tangkang panghahalay at pagpatay ang isang babaeng reporter matapos itong holdapin ng isa sa dalawang kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Kinilala ang biktimang si Lordeth Bonilla, 45, ng Brgy. Molino 4, Bacoor, Cavite at reporter ng Pilipino Star Ngayon, nagtamo ito ng mga pasa, bukol at sugat sa mukha at sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya naganap ang insidente sa pagitan ng alas-7:30 at alas-8:00 ng gabi sa may Portofino Heights, kahabaan ng Daang Hari, Brgy. Almanza II, Las Piñas City.

Nabatid na papauwi na nang bahay ang biktima at naglalakad ito sa nabanggit na lugar, hindi nito akalain na nasa likod nito ang suspek.

Biglang niyakap ng biktima at dinala ito sa talahiban hanggang sa nagdeklara ng hold-up kung saan tinangay ang bracelet nito, na nagka­kahalaga ng P20,000.00 at 3G cell phone, na nagkakahalaga naman ng P18,000.

Hindi pa nakuntento ang suspek tinangka nitong halayin ang biktima at papatayin. Nagpupumiglas ang naturang biktima habang pinagsusuntok ang mukha nito. Nagsusumigaw si Bonilla na ikinataranta ng suspect.

Nagmamadaling umalis ang naturang hol­daper-rapist hanggang sa sinabihan at niyaya nito ang kanyang kasama, tangay ang cellphone at bracelet ng biktima.

Nabatid na talamak ang holdapan sa natu­rang lugar, kung saan matatandaan nitong naka­raang taon, isang matandang babae ang hinoldap at pinatay dito at noong nakalipas na dalawang buwan isang estudyanteng dalaga ang hinoldap at tinangka ring halayin.

Bukod dito, isa ring pastor at tricycle driver ang biktima rin nang panghoholdap sa naturang lugar. Kung kaya’t nakatakdang imbestigahan ng pulisya ang ilang serye nang panghoholdap sa nabanggit na lugar.

Show comments