Saleslady tinodas ni mister
MANILA, Philippines - Bunga ng matinding selos sa sinasabing ‘lalaki’ ng asawa, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 28-anyos na saleslady ng kaniyang mister na security guard sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Melissa Balagan, ng Alindada St., Sampaloc, Maynila bunga ng tatlong saksak sa katawan.
Sumurender naman sa pulisya ang asawang suspect na si Sotero Balagan, alyas “Pot Pot”, 29, nakatalaga bilang sekyu sa NAIA.
Sa imbestigasyon ni Det Jonathan Bautista ng Manila Police Distirct-Homicide Section, dakong alas-10:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Nabatid na naghiwalay na umano ang mag-asawa sa hindi natukoy na dahilan subalit kamakalawa ay bumalik ang lalaki sa kanilang tahanan upang singilin ang misis sa ipinabenta nitong I-pod.
Nagalit ang suspect nang sagutin siya ng misis na bukas na lamang ibibigay ang bayad at ayaw umanong papasukin ang mister sa bahay.
Nagpilit na pumasok ang suspect na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa saksakin ng lalaki ang misis. Nang bumagsak ang duguang biktima ay nagmamadaling lumisan ang suspect.
Nakita rin umano sa closed circuit television (CCTV) , isa sa ipinakalat ng MPD sa iba’t ibang lugar sa Maynila, ang pagmamadaling pagtakas ng suspect mula sa kanilang bahay.
Hindi umano nagtagal ay nadiskubreng nagtungo sa himpilan ng pulisya ang suspect upang sumuko.
Nabatid din na ikinagagalit umano ng suspect ang mga balita na may ibang lalaki ang kaniyang asawa na doon pa umano mismo sa loob ng kanilang tahanan nakikita ng kanilang mga kaanak.
Sinabi naman ni Mary Joyce Maralag, kapatid ng biktima, lasing ang suspect nang magtungo sa bahay ng biktima.
Nakapiit na sa MPD-Homicide Section ang suspect na nakatakdang sampahan ng kasong parricide.
- Latest
- Trending