MANILA, Philippines – Isang 40-anyos na lalaki ang namatay matapos makuryente at mahulog mula sa poste ng Meralco na pinaniniwalaang nagkakabit ng kuryente o illegal connection sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si Manuel Cajayon, ng Mabuhay St., Tondo sanhi ng pagkakakuryente na umabot sa 3rd degree ang sunog sa katawan at pagkakabagok ng ulo makaraang mahulog.
Dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Bouganvilla at Mabuhay Sts., Tondo.
Sa pahayag umano nina Nene Bayubas, 17; at Jericho Emnaldo, 17, kapwa residente sa lugar, nagkukuwentuhan sila nang nakarinig sila ng kalabog kasunod ng pagdidilim bunga ng nawalang electric power.
Nang alamin, nakita nila ang biktima na nasa sementadong kalsada na nakahandusay, sa gilid ng poste ng kuryente.
Ayon sa imbestigador, maaring nagkakabit ng iligal na kuryente ang biktima subalit nakuryente at nahulog sa bubungan bago lumagapak sa ibaba.
Sumabog din umano ang kuryente kaya nawalan ng ilaw sa lugar.