MANILA, Philippines - Ngayong araw inaasahang magsisilang ng sanggol sa Philippine General Hospital (PGH) ang isa sa detainees na tinaguriang “Morong 43”.
Nabatid mula sa Health Alliance for Democracy o HEAD na magsisilang ng kanyang -‘first baby’ si Carina Judelyn Oliveros matapos payagan ni Judge Gina Cenat Escoto ng Morong Rizal Regional Trial Court Branch 78, na makalabas ng piitan at manganak sa PGH sa pamamagitan ng caesarian operation.
Batay sa kautusan ng hukom, tatlong araw lamang mananatili sa PGH si Oliveros na bantay sarado ng mga pulis at pagkatapos ay ibabalik din sa piitan sa Morong, Rizal.
Samantala, aapela ang HEAD kay Judge Escoto para palayin si Oliveros at matugunan ang maximum prescribed recovery ng caesarian delivery na 75 araw at dalawang taong breastfeeding at maternal bonding.
Hindi anila tugma ang kulungan para sa isang bagong panganak at pangangalaga ng sanggol.
Noong Pebrero 6, 2010, si Oliveros kasama ang 42 pang kalalakihan at kababaihang health workers ay dinakip nang pinagsamang puwersa ng Philippine Army at pulisya sa tahanan ni Dr. Melecia Belmonte matapos na pagbintangang mga miyembro ng New Peoples Army.