4,500 parak ikakalat sa SONA
MANILA, Philippines - May 4, 500 pulis ang itatalaga ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) para magbantay sa gagawing State of the Nation Address (SONA) ng pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa July 26, 2010.
Bukod dito, maglalagay rin ng 8 closed circuit television (CCTV) ang NCRPO sa buong paligid na pagdadausan ng naturang SONA upang matukoy ang posibleng kaguluhang magaganap dito.
Samantala, pag-aaralan ng NCRPO ang kahilingan ng mga raliyista na makalapit sa Batasan para ibulalas ang kanilang hinaing sa pangulo.
Ito ang naging panukala ni Regional Director General Roberto Rosales sa ginanap na pakikipag-dialogue kahapon sa hanay ng mga raliyista na ginanap sa Sulu Hotel sa Quezon City.
Ayon kay Rosales, batid niya na mahalaga ang hinaing na dadalhin ng mga raliyista subalit mas importanteng pag-aralan muna ito upang hindi magkaroon ng aberya sa sandaling mag-umpisa na ang SONA ng Pangulo.
Hinihiling ng mga raliyista na makalapit sa Batasan upang doon magsagawa ng rally, ngunit base sa ginawang re-routing ng NCRPO katuwang ang Quezon City Police, lumilitaw na malayo ang rally zone na ibinigay sa kanila kung kaya nila ito tinutulan.
Giit ng Akbayan, nais nilang mabatid ng Pangulong Noynoy ang kanilang mga hinaing tulad ng kanilang karapatan sa pangakong magiging tahimik ito.
- Latest
- Trending