Biyuda pumalag sa holdap, patay
MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa leeg ang tumapos sa buhay ng isang 40-anyos na biyuda makaraang pumalag sa dalawang lalaking nangholdap sa kanya, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Valenzuela.
Patay na nang idating sa Valenzuela General Hospital ang biktimang si Lornalyn Pacio, ng T. Santiago St., Brgy. Canumay West ng lungsod na ito.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa kahabaan ng Main Road, Pinalagad, Brgy. Malinta ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na naglalakad ang biktima sa lugar, nang lapitan ng mga suspek at holdapin.
Lumaban ang biktima na naging dahilan upang barilin ito ng isa sa mga suspek bago kinuha ang dalang bag at nagsitakas.
Agad na dinala ang biktima sa pagamutan ng ilang taong nakasaksi ngunit hindi na ito umabot pang buhay.
- Latest
- Trending