Lola patay sa ligaw na bala
MANILA, Philippines - Minalas ang isang 63-anyos na lola na masawi nang tamaan ng ligaw na bala habang nagbabantay ng kanyang tindahan na pinaniniwalaang mula sa naganap na palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at dalawang lalaking armado ng baril, kamakalawa ng umaga, sa San Miguel, Maynila.
Kinilala ni Chief Insp. Erwin Margarejo ang biktimang si Maisalam Taram, may-ari ng sari-sari store at residente ng #648 Carlos Palanca St., San Miguel.
Isinailalim naman sa imbestigasyon ang mga tauhan ng Manila Poilce District-Outpost No. 7 ng Station 8, na sina SPO3 Yolando Espina at PO2 Jesus de Leon na sangkot sa palitan ng putok.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation laban sa isang Alioden Tamano, residente ng C. Palanca St., San Miguel, Maynila at isang di-nakilalang lalaki na kasama niyang tumakas.
Ayon sa ulat, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa harap ng gate ng Rawaton compound, sa C. Palanca St., San Miguel.
Paliwanag ng dalawang pulis, nakatanggap sila ng tawag na may dalawang lalaki umano na may dalang baril sa nasabing kalye kaya’t pinuntahan nila ito.
Nang nasa lugar na sila ay sinalubong na umano sila ng mga putok ng dalawang lalaki dahilan upang gantihan nila ito ng putok.
Nang makatakas na ang dalawa ay nakita nila ang nakahandusay na matanda na duguan at may tama ng bala sa dibdib.
Isinugod ang biktima sa Mary Chiles Hospital subalit kinagabihan ay binawian din ng buhay.
Ayon kay Margarejo, nagsumite na ng kanilang mga service firearms sina De Leon at Espina para sa ballistic examination upang matukoy kung nagmula sa kanila ang bala na nakapatay sa lola. (With trainees Marlon Epiz at Pamela Galindez)
- Latest
- Trending