MANILA, Philippines - Upang maibsan ang malalang daloy ng trapiko, pinaplano na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mas palawigin pa ang ‘window hours’ sa ‘number coding’ sa mga pribadong sasakyan sa buong Metro Manila na kahalintulad ng ipinatutupad na batas trapiko sa Makati City.
Sinabi ni MMDA Chairman Oscar Inocentes na sa ilalim ng naturang panukala, tatanggalin ang ‘window hours’ mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon kagaya ng ipinatutupad sa Makati City upang hindi umano magkaroon ng kalituhan sa mga motorista sa implementasyon ng batas trapiko.
Nabatid na tanging ang Makati City ang hindi sumunod sa ipinatutupad na mga batas sa trapiko ng MMDA na nasa ilalim pa noon ni dating Chairman Bayani Fernando. Lumikha ito ng napakaraming problema lalo na sa mga motorista na nakatira at dumaraan sa mga kalsada ng lungsod dahil sa ginagawang panghuhuli ng mga traffic enforcers ng Makati City Hall.
“Kung aalisin ang window hours, hindi maaaring lumabas sa kalye ang mga sasakyan na coding mula 7am hanggang 7pm. Sa ganitong paraan, mas luluwag ang daloy ng trapiko sa lansangan nang buong araw,” paliwanag pa ni Inocentes.
Isusumite ang naturang panukala sa susunod na pagpupulong ng Metro Manila Council (MMC) upang mapagdesisyunan ng mga alkalde.
Nanawagan naman si Inocentes sa mga alkalde ng Metro Manila na personal na dumalo sa buwanang pagpupulong ng MMC at huwag nang magpadala ng kanilang mga kinatawan upang hindi magkaroon ng kuwestiyon sa legalidad ang mga napagdedesisyunan na mahahalagang regulasyon at isyu.
Isinagawa ni Inocentes ang panawagan makaraang walo lamang sa 17 alkalde ang dumalo sa nakaraang pulong kung saan hindi idineklara ng kawalan ng quorum at hindi natalakay ang pagresolba sa panukalang ipatupad muli ang number coding sa mga pampasaherong bus upang mas lumuwag ang EDSA at iba pang pangunahing kalsada.
Samantalang, ilang alkalde ang kumukuwestiyon ngayon sa otoridad ni Inocentes na pamunuan ang MMC dahil sa hindi naman ito naging opisyal ng lokal na pamahalaan at isa sa mga appointee ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nananatili sa puwesto.