MANILA, Philippines - Natuklasan kahapon ang pagkawasak ng tatlong “luxury vehicles” na naka-display sa isang showroom nang mabagsakan ng bakal na bumagsak sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Basyang, sa Mandaluyong City. Kahapon na ng umaga napansin ng mga tauhan ng Shaw Automotive Resources Inc. ang pagkasira ng tatlo nilang mamahaling sasakyan kabilang ang isang Starex Limousine, may halagang P2.6 milyon; isang gray na Hyundai Sta. Fe (P1.5 milyon); at isang Hyundai Tucson (P1.08 milyon). Dumulog sa Mandaluyong Criminal Investigation Unit si Allan Jimenez, 27, sales manager ng naturang kumpanya, kung saan inireklamo nito ang Design Coordinates Inc. na responsable sa gusali na pinanggalingan ng “steel metal beams” na bumagsak sa kanilang showroom na nasa #411 Shaw Blvd., ng naturang lungsod.
Ayon kay Jimenez, hindi agad nila napansin ang mga bumagsak na metal beams sa kanilang showroom buhat sa bubungan ng gusali ng Design Coordinates dahil sa madilim ito bunga ng kawalan ng kuryente. Natuklasan na lamang nila ang pagkasira ng kanilang mga ibinibentang mga brand new na sasakyan kahapon ng umaga nang maging normal na ang suplay ng kuryente at pagpasok ng kanilang mga tauhan.
Sa reklamo ni Jimenez, kailangang sagutin ng inirereklamo nilang kompanya ang higit P4 milyong kabuuang halaga ng mga nasirang sasakyan dahil sa hindi na mareremedyuhan ang mga sira nito.