MANILA, Philippines - Pinatapon nang pabalik ng kanilang bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na wanted sa batas dahil sa iba’t ibang kasong kriminal sa Estados Unidos.
Sa bisa ng summary deportation na inisyu ni BI Board of Commissioners, pinabalik sa kanilang bansa si Robert Long Wood, 58, at tubong Montana, USA sakay ng PAL Flight 104 patungong San Francisco.
Sa bisa ng deportation warrant mula kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan, inaresto ng pinagsanib na puwersa ng BI-Interpol unit, PNP at NBI si Wood sa kanyang bahay sa Mintal, Davao City noong Hulyo 7 na gumagamit ng mga alyas na Dennis Blanchard at Ryan Dale.
Nagtangka pa umanong manlaban ni Wood nang isilbi rito ang warrant at nagtangka ring magsaksak sa sarili nang pasukin ang bahay nito ng mga awtoridad sa pag-aakalang mga hired killers ang mga ito at plano siyang patayin subalit kaagad na naagaw ang hawak nitong limang pulgadang kutsilyo.
Ayon sa kasintahan ni Long Wood, ilang linggo na umanong paranoid ang dayuhan dahil sa paniniwalang nais siyang patayin ng dati nitong kasosyo sa negosyo. Kaagad namang dinala sa pagamutan si Long Wood dahil sa tinamo nitong sugat at pagkatapos ay saka dinala rito sa Maynila kung saan siya ikinulong sa Bicutan Immigration Jail habang hinihintay ang deportation proceedings. Si Long Wood ay nahatulan sa Estados Unidos ng mga kasong armed robbery at maraming bilang ng passport fraud at pagnanakaw.