Gas leak sa Makati, natuklasan
MANILA, Philippines - Nilatagan ng kordon ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang paligid ng isang gusali sa South Super Highway sa Makati City dahil sa patuloy na pagtagas ng gas sa hinihinalang pipeline na nakabaon sa ilalim ng lupa.
Nabatid na dakong alas-8 pa ng umaga nitong nakaraang Lunes nag-umpisa ang “gas leak” nang umalingasaw ang amoy sa basement ng West Tower building sa kanto ng South Superhighway at Gen. Del Pilar St., Brgy. Bangkal, Makati.
Kaagad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Makati Central Fire Station at Makati Rescue Team na nakipag-ugnayan kaagad kay Architect Vincent Clado, property manager ng naturang gusali na siya na ring gumabay sa mga awtoridad sa basement na pinagmumulan ng gas leak.
Nang suriin nina Chief Insp. Gerry Berte, Chief Operations Section ng Makati Central Fire, lumalabas na gasoline ang tumatagas na maaaring pagmulan ng malaking pagsabog kung may magsisindi ng sigarilyo sa naturang lugar.
Ipinabatid naman kaagad ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Makati sa First Philippine Industrial Corporation (FPIC) ang pagkakatuklas sa pagtagas ng gasolina na posibleng nanggagaling sa linya ng kanilang tubo na nagmumula sa Batangas, patungo sa Pandacan Oil Depot sa Maynila.
Inumpisahan na kahapon ang paghuhukay sa tubo na pinagmumulan ng pagtagas upang kumpunihin habang nakabantay ang mga tauhan ng Makati Central Fire at Makati Rescue Team sa lugar upang pagbawalan ang sinuman na makapasok sa kanilang kordon.
- Latest
- Trending