MANILA, Philippines - Walang anomalya sa ginawang P18.7-billion Laguna Lake Rehabilitation Project dahil ito ay legal at naaayon sa batas. Ito ang paniniyak ng Baggerwerken Decloedt en Zoon (BDC) kasabay nang pagsasabing walang katotohanan ang pahayag ni Laguna Congressman Dan Fernandez na ito ay “midnight deal”. Ayon kay Dimitry Dutilleux, area manager ng North Asia ng BDC, taong 2009 pa nang simulan nila ang kanilang pag-aaral sa freshwater lake at isa ito sa kanilang unsolicited proposal sa pamahalaan. Aniya nakuha nila ang proyekto ng legal at sumunod sa mga regulasyon. Ang pahayag ng BDC official ay bunsod na rin ng kahilingan ni Fernandez sa Malakanyang na imbestigahan ang naturang proyekto na pinirmahan umano ng nakaraang administrasyon. Sinabi pa ni Dutilleux na bukas ang BDC sa anumang imbestigasyon upang malaman kung anu-anong kompanya ang nananabotahe sa proyekto. Handa din silang humarap sa bagong administrasyon upang ipaliwanag ang naturang proyekto. Layunin ng Laguna Lake Rehabilitation Project na pag-ibayuhin ang kalidad ng tubig sa lawa dahil plano ng pamahalaan na gawing alternatibo itong pagkunan ng supply ng tubig sa Metro Manila. Ang BDC ay isa sa mga nangungunang dredging companies at matagal nang nagsasagawa ng environmental dredging works sa iba’t ibang panig ng mundo.