MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kundisyon ang isang 30-anyos na kasambahay makaraang makuryente ito nang sumabit ang bakal na panungkit ng sinampay sa kawad ng kuryente, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nakaratay sa Burn Unit ng San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Editha Carreon, nanunuluyan sa no. 122 Twin Pioneer street, Don Carlos Village, sa naturang lungsod. Nabatid na nagtamo ang biktima ng 3rd degree burn sa kahalati ng katawan nito.
Sa ulat ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon sa ikatlong palapag ng isang kinukumpuning gusali sa Twin Pioneer ang biktima upang hanguin ang mga sinampay nito.
Sinusungkit ni Carreon ang mga sinampay nang dumikit ang kanyang bakal na panungkit sa isang live wire na nakakonekta sa poste ng Manila Electric Company (Meralco) sanhi ng pagkakakuryente ng biktima.
Sa lakas ng boltahe, pumutok pa ang transformer ng kuryente na nakakabit sa naturang poste na dahilan rin ng “brown-out” sa naturang lugar.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima na natusta ang kalahati ng katawan kung saan hindi pa ito nagkakamalay.