4 katao timbog: Sex, ransom sa ninakaw na gamit
MANILA, Philippines - Hindi nagtagumpay ang apat na kawatan na bukod sa pera ay humiling ng “sex” sa isang Koreana upang maibalik ang ninakaw na mga gamit nito makaraang madakip sa entrapment operation, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Kulungan ang binagsakan ng mga suspect na sina Raymund Ryan Cruz, 25; Michael Angelo Obligado, 25; Ariane Mapa, 20 at Karen Ramos, 21, pawang mga naninirahan sa No. 4B-Lopez Jaena St., Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.
Agad namang sinampahan ng kasong robbery ng biktimang si Park Shin Young, 22, estudyante, at nangungupahan sa International Center Dormitory sa UP Diliman, Quezon City ang mga suspect.
Ayon kay Insp. Diomedes Labarda, hepe ng Eastern Police District-Criminal Investigation Unit, tinangay ng mga suspect ang bag ni Young dakong alas-11 kamakalawa ng gabi sa Decades Bar sa may Metrowalk Commercial Center sa Meralco Avenue, Pasig City.
Sandali umanong iniwan ng biktima ang kanyang bag sa kanilang lamesa upang magsayaw ngunit nawala na ito nang bumalik sa mesa.
Laman ng bag ang kanyang Sony digital camera, US$200 cash, cellphone at iba pang mahahalagang gamit.
Agad umanong tinawagan ng biktima ang kanyang cellphone na sinagot ng isang babae na nakipagnegosasyon na ibabalik ang kanyang gamit kung magbibigay ng P15,000 cash.
Hindi nagkasundo ang dalawa hanggang sa tawagan ang biktima ng isang lalaki na nagpakilalang si Cruz at sinabihan si Young na ibabalik ang kanyang mga gamit kung papayag itong makipagtalik sa kanya.
Nakapag-isip naman ng taktika si Young kung saan sumakay ito at nakipagkasundo sa mga suspect na magkikita sila sa isang mall sa Mandaluyong City.
Kasabay nito, agad na nagreklamo si Young sa pulisya na agad na nagplano ng entrapment operation.
Hindi na nakapalag ang mga suspect nang paligiran at damputin ng mga pulis matapos na lapitan si Young sa loob ng mall upang kunin ang hinihinging pera at ang pangakong pagsiping kay Cruz.
- Latest
- Trending