Centenarians sa Quezon City, tatanggap ng P1,000 cash kada buwan
MANILA, Philippines - Makatatanggap ng halagang P1,000 benepisyo kada buwan ang mga matatandang residente sa lungsod Quezon na ang edad ay 100-anyos pataas.
Ayon kay QC Mayor Herbert Bautista, ang pagbibigay ng buwanang benepisyo ay mahalaga para sa pagtataguyod ng kanilang kabuhayan bilang senior citizens, lalo na ang mga umabot na sa edad na 100 taon o pataas.
Nilagdaan ang executive order ni dating Mayor Feliciano Belmonte Jr. para sa bagong benepisyo dalawang linggo bago ang huling pag-upo nito bilang QC chief executive, sabi pa ni Mayor Bautista.
Ang P1,000 buwang sahod, kung saan kabilang sa programa ng mga benipesyaryo sa mga nalalabi pa nilang taon sa buhay ay non-transferable.
Para maging kuwalipikado sa naturang financial assistance, ang mga centenarians ay kailangan magparehistro sa QC Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) para sa tamang pagkilala at dokumentasyon. Kailangan din anya nilang iprisenta ang tamang dokumento para ipakita na bonafide QC residents sila.
Bukod pa dito ang authenticated birth certificates o iba pang dokumento para ma-validate ang kanilang edad.
Maliban sa P1,000 buwanang benepisyo, ipatutupad din ng QC ang ordinansa na makapaglaan sa mga centenarians ng one-time P10,000 cash incentive dagdag pa ang taunang Christmas at Birthday gifts na halagang P2,000 bilang rewards galing sa QC government.
- Latest
- Trending