Fastfood sinuwag ng kotse, buntis kritikal
MANILA, Philippines - Kritikal ang isang 7-buwang buntis makaraang mapuruhan ng isang kotse na sumuwag sa isang fastfood restaurant dahil sa pagkataranta ng babaeng driver, kahapon ng umaga sa San Juan City.
Isinugod sa San Juan de Dios Medical Center ang buntis na nakilalang si Diane Usero, 18 at mga kasamahan na sina Edilyn Requero, 47 at Eddie Borromeo, pawang mga residente ng Brgy. Salapan, San Juan.
Arestado naman ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to serious physical injuries si Nancy Gonzalo-Co, driver ng silver-gray Honda Civic (TNI-905), at naninirahan sa Abagao St., Baguio City.
Sa ulat ng San Juan Traffic Management Unit, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa tapat ng isang restaurant sa N. Domingo, ng naturang lungsod.
Nabatid na katatapos lamang kumain sa naturang fastfood ni Co at minamaniobra na ang kanyang sasakyan paalis nang mabangga umano ang likurang bahagi ng kotse nito ng isang G Liner bus na minamaneho naman ni Rolando Gato.
Sa pagkataranta, sa halip na preno ay silinyador ang natapakan ni Co sanhi upang humarurot ang kotse at araruhin ang salaming bintana ng fastfood kung saan natumbok ang mga kumakaing mga biktima.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima habang kapwa inaresto sina Co at Gato.
Nagtuturuan naman ang dalawa sa loob ng presinto kung saan iginiit pa ni Gato na ang kotse ang bumangga sa kanyang bus.
Habang isinusulat ito, inoobserbahan pa ng mga manggagamot ang kalagayan ni Usero at ng sanggol nitong dinadala sa sinapupunan.
- Latest
- Trending