5 Chinese timbog sa P100-milyong shabu
MANILA, Philippines - Limang pinaghihinalaang big time Chinese drug dealer ang nasakote ng mga elemento ng NCRPO-Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (RAIDSOTF) kasunod ng pagkakasamsam sa 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100-M sa drug-bust operations sa Sta Ana, Manila kamakalawa ng gabi.
Sa report na tinanggap ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa kay NCRPO Chief Director Roberto Rosales, kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina Ming Yuan Yuet, 40, tubong Hokien, China; Eugence Co, tubong Hong Kong; Danny Tan, 30 tubong Sze Chuan, China, Aga Co, 33, tubong Fujian, China at Michelle Lee, 24, tubong Fujian, China; pawang ng 2100 New Panaderos St., Sta. Ana, Manila.
Bandang alas-10 ng gabi ng magsagawa ng raid ang NCRPO-RAIDSOTF sa pamumuno ni Supt. Leo Francisco sa Unit 63 ng Eurovilla Homes sa 2100 New Panaderos St., Sta. Ana, Manila.
Sinabi ni Rosales na bago ito ay nagsagawa ng masusing surveillance operations ang mga awtoridad matapos na makatanggap ng report hinggil sa ilegal na aktibidades ng nasabing mga dayuhang drug dealer.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Amor Reyes ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 21 laban kay Lim at isa pa nitong kasamahan na nakatira sa nasabing unit ng Town Homes sa New Panaderos, Sta. Ana Manila ng lungsod.
Hindi na nakapalag ang mga suspect matapos makorner ng mga operatiba ng anti-drug unit.
Ayon sa NCRPO chief nasamsam sa operasyon ang 20 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, dalawang container ng liquid chemical na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng shabu, anim na plastic bags ng kulay kayumangging kapsula, 14 bote ng tig-500 ml Glucose injection, dalawang sets ng rubber tubing, sampung assorted glass laboratory apparatus, dalawang sets of rubber tubing; isang telescopic adjustable heater, isang washing machine/dryer, dalawang electronic weighing scales at P20,000 cash.
Sa inisyal na pagtaya, sinabi ni Rosales na aabot sa P100 M ang halaga ng mga nasamsam na droga at bulto ng mga kemikal nito.
Isinailalim na sa pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nasamsam na epektos.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang limang suspect na isinailalim na sa inquest proceedings sa City Prosecutor ng lungsod ng Maynila.
- Latest
- Trending