MANILA, Philippines - Isang negosyante ang iniulat na nasawi makaraan ang salpukan ng dalawang sasakyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Rodolfo Lingan, 52, ng 43-D, Matapat St., Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Ang nakabanggaan naman nitong Mercedez Benz ay minamaneho naman ng isang Gismundo Tameta Jr., 40, family driver ng St. Anthony Antipolo City.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng C.P Garcia St., harap ng Daan Tubo Area, Brgy. UP campus pasado alas-5 ng hapon.
Bago ito, sakay umano ng minamanehong Mercedez Benz MB 100 van (UKB-738) si Tameta at tinatahak ang C. P Garcia St., papunta sa direksyon ng Velasquez St., patungong Katipunan Avenue nang biglang sumulpot galing sa opposite direction ang minamanehong Toyota Altis (XGG-321) ng biktima at sumalpok sa una.
Sa lakas ng impact, kapwa nawasak ang dalawang sasakyan na naging ugat upang magtamo ng matinding sugat ang biktima.
Agad namang isinugod sa Quirino Memorial Medical Center si Lingan ngunit idineklara din itong patay. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.