MANILA, Philippines - May 100 kabahayan ang iniulat na naabo matapos na lamunin ng apoy sanhi umano ng mga damit na sinindihan ng isang hindi nakikilalang lalake habang nasa kainitan ng pag-aaway sa kanyang misis sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Fortunato Alde, Central Fire Protection, tinatayang 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog na nagsimula sa tahanan ng isang Anicia Cinaon, na matatagpuan sa 104 Seminary Road, Brgy. Bahay Toro sa lungsod.
Sinabi ni Alde, base sa pahayag ng mga residente, nagsimula ang apoy nang buhusan umano ng gaas ng asawa ni Cinaon ang kanilang damit na ikinalat sa kanilang bahay saka sinindihan habang nag-aaway ganap na alas-10 ng gabi.
Gayunman, dagdag ni Alde, sinisiyasat pa nila ang katotohanan sa nasabing alegasyon, kaya naman hinihintay nila ang paglutang ni Cinaon sa kanilang tanggapan makaraang mawala ang mga ito sa eksena matapos ang sunog.
Sinasabing sa pagsiklab ng damit ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa lamunin ang kanilang kabahayan at madamay na rin ang mga kalapit-bahay nito na pawang mga gawa sa light materials.
Dahil sa makipot ang kalye ay nahirapan ang mga rumispondeng bumbero kaya tumagal ng halos dalawang oras.
Umabot sa Task Force Bravo ang alarma ng sunog, bago tuluyang ideklarang fire out ganap na alas-12:15 ng madaling-araw.
Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa nasabing insidente. Habang inaalam pa ang halaga ng napinsala dito.