4 huli sa drug den sa San Juan
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang ginang na nasa drug watch list ang naaresto ng anti-narcotics agents sa isinagawang raid sa isa umanong drug den sa lungsod ng San Juan, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PDEA public Information officer Derreck Carreon, ang mga nadakip ay kinilalang sina Hermie Jucutan, 46, at asawang si Susan, 43; Bernadette Jucutan, 29, dalaga; at Michael Tabaya, 32; pawang residente sa San Joaquin, Brgy. San Perfecto San Juan City.
Narekober kina Hermie at Susan ang apat na plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng anim na gramo, habang kina Bernadette at Tabaya naman ay isang plastic sachet na may timbang na limang gramo ng shabu.
Nangyari ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Marivic Basili Umali ng Branch 20 Regional Trial Court Manila laban kina Hermie Jucutan, alyas Ate at Veronica Jucutan sa number 15 Interior San Joaquin, Brgy. San Perfecto San Juan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon sa PDEA, ang naturang lugar ay ginagawang drug den ng mga taong gustong tumira ng shabu base na rin sa mga kagamitang nasamsam sa mga ito.
Samantala, patuloy ang pagtugis ng PDEA sa nakakalaya pang suspect na si Veronica Jucutan na wala sa nasabing lugar nang maganap ang pagsalakay.
- Latest
- Trending