Pekeng pulis kinuyog, patay sa taumbayan
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang pinagtulungang gulpihin at saksakin ng mga residente ang dalawang nagpanggap na mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na ikinasawi ng isa matapos mapundi sa pagyayabang at pananakot umano ng mga ito habang nag-iinuman sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Hindi na naisalba ang buhay ni Terence Supnet, 31, ng Barcaistegue, San Miguel, Maynila nang isugod sa Ospital ng Sampaloc matapos kuyugin ng hindi mga nakilalang galit na taumbayan.
Sugatan din ang kasamahan nito na kinilalang si Rochell Pinto, 22, ng Dalandanan Valenzuela, na nakatakbo umano mula sa umaatake sa kaniya subalit nadakip naman ng mga rumespondeng mga tauhan ng MPD na nagrikisa sa lugar dahil sa insidente.
Sa ulat ni PO2 Lester Evangelista ng Manila Police District-Homicide section, naganap ang insidente sa tapat ng 503 Amelia St., Sampaloc Maynila dakong alas-12:35 ng madaling araw, kahapon.
Sa naging pahayag ng mga residente, ang dalawa na madalas umano sa lugar ay inakala nilang mga tunay na pulis dahil madalas doon magtungo at ‘nangongotong umano sa mga vendor at mga dumaraang residente habang nakasuot ng uniporme ng pulis.
Bago ang insidente, nakikipag-inuman umano ang da lawa nang sumigaw umano si Supnet ng “mga SAF kami ha. Kaya kayong gago dyan, humanda kayo.”
Isa umanong tambay ang sinapak ni Supnet at binantaan na kaya niyang pumatay na isang bala lamang ang gagamitin sa pagbaril.
Ikinairita umano ng mga residente ang kayabangan ng dalawa, maging ang pangmomolestiya ng mga ito sa dumaraang mga kababaihan na hinipuan umano ng mga ito.
Hindi na nakatiis ang taumbayan kaya nagbitbit umano ng mga pamalo at inupakan ang dalawang mayabang na nagpu-pulis-pulisan.
Sa beripikasyon, nadiskubre na hindi totoong miyembro ng PNP-SAF National Capital Region ang dalawa.
- Latest
- Trending














