Retired Army, 3 pa tiklo sa pekeng dolyares
MANILA, Philippines - Apat katao kabilang ang isang pastor, isang retired Philippine Army (PA) at dalawang real estate broker ang na timbog ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon sa aktong pagbebenta ng pekeng dolyares, sa ulat kahapon.
Iprinisinta ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga suspect na sina retired M/Sgt. Orlando Tactaquin, 50, ng Phil. Army, ng Sta. Rosa, Nueva Ecija; Sergio Serion, 59, Pastor ng isang Christian Group, ng Feria Road Balara, Quezon City; Vicente Resurreccion, 63, at Evelyn Jimenez, 49, kapwa real estate broker ng Bulacan.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Intelligence Services, Deputy Director Ruel Lasala, matapos makakuha ng impormasyon hinggil sa magaganap na bentahan ng US dollars sa Farmers Market sa Quezon City, ikinasa ang entrapment operation.
Ginamit ang isang Chicken House sa Araneta Center, Cubao, QC kung saan nakumbinse ng poseur-buyer na ipinain ng NBI ang mga suspect sa transaksiyon ng bilihan ng pekeng dolyar.
Nabatid na noong Hulyo 3, 2010 nakipagkita ang poseur buyer kina Serion at Resurreccion at pumayag sa halagang P840,000 kapalit ng 42 bundle ng pekeng US dollars.
Sa aktong kinuha na ng mga suspect ang marked money ay lumapit na ang mga ahente ng NBI at inaresto ang mga suspect ng mga nakaposteng operatiba ng NBI.
Sa beripikasyon na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga nakumpiskang US dollars ay pawang mga peke.
Nakatakdang isampa sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga kasong Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and other Instruments of Credits sa ilalim ng Article 168 ng Revised Penal Code.
- Latest
- Trending














