Buntis na nene, patay sa saksak
MANILA, Philippines - Isang 14-anyos na dalagita na anim na buwang buntis ang nasawi pati ang sanggol sa sinapupunan nito matapos na pagsasaksakin ng isang construction worker sa loob ng isang palengke sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Patay na nang idating sa Pagamutang Lungsod ng Malabon (PLM) si Joanna Marie Tiongson, residente ng Pantihan 2, Barangay Flores ng nasabing lungsod at binawian din ng buhay ang sanggol sa sinapupunan nito.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga kagawad ng Malabon City Police laban sa suspek na nakilala lamang sa pangalang alyas “Ramil”, nagtatrabaho sa Hulong Duhat Public Market at naninirahan naman sa Caloocan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID) ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:45 ng gabi sa loob ng Hulong Duhat Public Market, Malabon City.
Ayon sa pahayag ng kapatid ng biktima na si Jhaysar, 16; bago ang insidente ay narinig niyang sumisigaw ang utol na humihingi ng tulong.
Agad umano niyang pinuntahan ang kapatid at habang papalapit ay nakasalubong nito ang suspek na papalabas ng nasabing pamilihan at nagmamadaling sumakay ng pampasaherong jeep.
Inabutan ni Jhaysar ang biktima na namimilipit at duguan dahil sa mga saksak na tinamo nito, humingi ng tulong ang binatilyo upang dalhin sa nabanggit na pagamutan ang biktima subalit hindi na naisalba ang buhay nito.
Patuloy pa ang iimbestigahan ng pulisya para alamin ang motibo ng pananaksak sa biktima.
- Latest
- Trending