Mag-syota hubo't hubad, patay sa loob ng kotse
MANILA, Philippines - Kapwa hubad at wala nang buhay nang matagpuan ang magkasintahang teenager sa loob ng isang kotse sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ni Chief Insp. Benjamin Elenzano Jr., hepe ng Homicide Section ng Quezon City Police ang mga nasawi na sina John Edward Aguirre, 18, binata, 1st year student sa Letran Manila, at residente ng Villanova Subdivision, Novaliches; at ang kasintahan nitong si Basil, 15, high school student ng Damong Maliit Road, Novaliches.
Ayon kay Elenzano, maaring nakalanghap ng carbon monoxide ang mga biktima habang nasa loob ng sasakyan dahil ang naturang kemikal sa sandaling malanghap ay magdudulot ng pagkamanhid ng kanilang katawan at kawalan ng malay.
“Kasi ’yung sasakyan nila nakaparada malapit sa pader, eh umaandar, so ang tendency ’yung usok na lumalabas sa tambutso na may kemikal ang nalalanghap naman ng mga biktima matapos mahigop ng aircon at kahit nasa loob ay hindi mo mamamalayan kung kaya ganoon ang posibleng nangyari,” paglilinaw ni Elenzano.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Neil Garnace, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, natagpuan ang walang buhay na katawan ng mga biktima sa loob ng isang Toyota Corona (TMY-240) habang nakaparada sa may garahe ng bahay ni Aguirre ganap na alas-7 ng gabi ng isang Paz Tesoro, guardian ni Aguirre.
Bago ito, ang magkasintahan ay huling nakitang nag-uusap ganap na alas-3 ng hapon sa may terrace ng bahay ni Aguirre.
Ganap na alas-7 ng gabi, habang hinahanap ni Paz ang kanyang alaga, napuna nito na umaandar ang engine ng nasabing kotse habang nakaparada sa corner ng garahe. Lalo pang pinagtaka ni Paz, ang kotse ay may “car cover” habang umaandar.
Dala ng kuryosidad ay inalis niya ito kung saan bumulaga sa kanya ang mga biktima habang kapwa hubad na walang malay na nakahiga sa likuran ng kotse.
Dahil dito, mabilis na humingi ng tulong si Paz sa ilang concerned citizen at isinugod sa magkahiwalay na ospital, ang Divine Heart Medical Service at Drueco Clinic kung saan kapwa idineklarang patay ang mga ito.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), walang nakitang sugat sa katawan ng mga biktima.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending