5 suspect sa chop-chop na motor timbog ng QCPD
MANILA, Philippines - Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District-Anti-Carnapping Section (QCPD-ANCAR) at Marikina Police sa isinagawang follow-up operation ang limang pinaghihinalaang mga suspect na sangkot sa serye ng nakawan ng mga motorsiklo sa Quezon City.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan nina QCPD director Chief Superintendent Benjardi Mantele at Chief Inspector Rodelio Marcelo, hepe ng QCPD-ANCAR, nakilala ang mga suspect na sina Niño Angelo Bardon, Manuel Arogate, Jetro Brondial, Michael Sayo at Alex Suarez.
Nag-ugat ang pag-aresto nang humingi ng tulong sa pulisya si Jericho Aguilar Merchandesh, 23; at residente ng Canero Subdivision Deparo, Novaliches, QC noong Hunyo 24 matapos mawala ang itim na Yamaha MIO Sporty na motorsiklo nito habang nakaparada sa kahabaan ng Tandang Sora, Quezon City.
Sa isang follow-up investigation ng awtoridad, napag-alaman na ang nasabing motorsiklo ay naibenta na di-umano ng isang Jayson at Bardon sa Dahlia St., West Fairview, Quezon City.
Dahil dito, agad na kinasa ng mga operatiba ng QCPD-ANCAR ang isang operation kung saan nagpanggap na buyer ang mga pulis na nagresulta naman sa pagkadakip kay Bardon sa West Fairview.
Itinuro naman ni Bardon ang mga kasamahan nitong sina Sayo at Arogate na nasakote rin sa Proj. 6, QC.
Nakuha sa dalawa ang isang “picklocks” na hinihinalang ginagamit ng mga ito sa pagnanakaw ng mga motorsiklo. Nabatid din na ang hinahanap na motorsiklo ay naibenta na ng dalawa.
Sa operasyon na ginawa ng QCPD sa Marikina City kasama ang Marikina Police, nahuli sina Brondial at Suarez na parehong mekaniko at nakuha sa kanila ang nasabing motorsiklo na chop- chop na ang bawat bahagi at hinihinalang ibebenta na ang mga spare parts.
Sinampahan naman ng kaukulang mga kaso ang nasabing mga suspect na nasa pangangalaga na ngayon ng pulisya.
- Latest
- Trending