QC officials, nanumpa sa tungkulin
MANILA, Philippines - Pormal nang nanumpa kahapon sa tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng Quezon City sa Liwasang Aurora sa loob ng QC Memorial Circle na pinangunahan ni Chief Justice Renato Corona.
Ang oath taking ceremony ay pinangunahan ni QC Mayor Herbert Bautista, Vice Mayor Joy Belmonte at mga Congressmen na sina Feliciano “SB” Belmonte (4th district), Bingbong Crisologo (1st district), Winston Castelo (2nd district) at Bolet Banal (3rd district) kasama ang mga konsehal ng apat na distrito ng lungsod.
Ayon kay Congressman Belmonte karapat-dapat si Bautista na maging ika-11 alkalde ng lungsod dahil sa mahusay nitong panunungkulan bilang bise alkalde.
Samantala, inamin din ni Belmonte sa panayam na gagawin nilang pito o walo ang distrito ng Quezon City dahil sa laki ng populasyon ng lungsod.
Aniya, mas malaki ang QC sa Maynila na may anim na distrito kung kaya’t dapat lamang na madagdagan ang distrito ng lungsod Quezon.
Sinabi naman ni Vice Mayor Belmonte na pag- aaralan nilang mabuti kung alin sa mga distrito 1 hanggang 4 ang hahatiin. Isa na anya ang District 2 na kasama sa hahatiin dahil sa dami ng sakop nitong populasyon.
Ayon naman kay Bautista, itutuloy niya ang magandang nasimulan ni Congressman Belmonte sa pagkakaloob ng mahusay na serbisyo sa mga taga-lungsod.
Higit anyang pagbubutihin ng kanyang administrasyon ang pagkolekta ng buwis upang mapanatiling “richest city” ang QC sa hanay ng mga lokalidad sa bansa.
Prayoridad anya ng kanyang pamunuan na unahin ang mga programang pang kalikasan, pabahay para sa mga taga-lungsod at gumamit ng makabagong teknolohiya na makakatulong sa pagpapaunlad pa ng QC.
Tiniyak din ni Vice Mayor Belmonte na tutulungan niya si Bautista na palakasin ang turismo na siyang may malaking tulong para mabigyan ng mahusay na serbisyo ang mga taga QC.
- Latest
- Trending