Lim nanumpa kay P-Noy
MANILA, Philippines - Nanumpa kahapon kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III si Manila Mayor Alfredo Lim kaugnay ng pagdaraos ng mass oath taking sa Malakanyang na kinabibilangan ng mga nanalong mga gobernador at kongresista.
Nakatakda namang manumpa ngayon kay Lim dakong alas-9 ng umaga sa Bulwagang Antonio Villegas si Manila Vice Mayor Isko Moreno kasama ang mga nanalong konsehal ng anim na distrito ng lungsod.
Kahapon lamang dumating si Moreno mula sa Estados Unidos, kung saan siya dumalo bilang kinatawan ng bansa sa International Visitor Leadership Program na may temang “The US Mayor and Local Governments” na isinagawa sa Washington D.C. mula Hunyo 5 hanggang 29.
Ayon naman kina 3rd District Counilors Bernie Ang at Joel Chua panibagong pagkakataon ito para sa kanila upang mapaglingkuran ang Manilenyo.
Sinabi ni Ang na malaking karangalan sa kanya na muling makabalik sa konseho dahil indikasyon lamang ito na mahal siya ng tao sa kabila ng kanyang kakulangan sa panahon upang mangampanya noong panahon ng eleksiyon.
Aniya, palatandaan lamang ito na hindi siya nalilimutan ng kanyang mga kadistrito. Giit naman ni Chua, ipinakikita lamang ng kanyang mga kadistrito na malaki ang kanilang tiwala sa konsehal.
- Latest
- Trending