MANILA, Philippines - Naging mapayapa ang inagurasyon ni Pangulong Benigno Aquino III na indikasyon na naging epektibo ang seguridad na ipinatupad ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Maliban sa narekord na dalawang insidente ng pandurukot sa Luneta, naging matiwasay naman ang panunumpa ni Aquino at ni Bise-Presidente Jejomar Binay.
Ayon kay NCRPO chief Director Roberto Rosales, umaabot sa 600,000 ang “estimated crowd” na nagtungo sa Luneta upang saksihan ang pagluluklok sa ika-15 Pangulo ng bansa.
Kabilang sa naging hamon sa pulisya ang pagbibigay ng proteksyon sa 110 foreign dignitaries kabilang si East Timor President Jose Ramos-Horta na sumaksi sa okasyon.
“We encountered no problem in Aquino’s oath-taking. The traffic went smoothly, especially in our courtesy lane and the criminal activities were totally checked,” ayon kay Rosales matapos magpakalat ng 3,200 pulis sa bisinidad ng Luneta.
Ipinagmalaki pa nito na nasiyahan umano ang mga dayuhang delegado partikular na ang mga nanggaling sa Canada sa seguridad na kanilang ibinigay mula airport hanggang sa Quirino grandstand.
Mapayapa rin namang nabuwag ng NCRPO ang isang grupo ng mga raliyista na nagsagawa ng demonstrasyon sa Salamanca Park kasabay ng panunumpa ni Pangulong Aquino.