MANILA, Philippines - Bigo ang tatlong holdaper na matangay mula sa isang messenger ang P.5 milyon matapos na makaengkuwentro ang isang pulis na nakatalaga sa Parañaque Police kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.
Dalawa sa tatlong suspect ay kinilalang sina Nolito Garaes na ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) at Larion Milan habang nakatakas naman si Noel Jimenez.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Plaza Cervantes ilang metro lamang ang layo mula sa Savory restaurant na pinagtatrabahuhan ni Santiago Dangan, 50.
Idedeposito ni Dangan ang P500,000 sa PBCom Bank nang biglang lapitan ng mga suspect at tinutukan ng baril. Mabilis na kinuha ng mga suspect ang pera. Subalit nakahingi ng tulong si Dangan sa dumaraang pulis na si PO2 Jomel Caronan, ng Parañaque Police Community Precinct 7.
Pinaputukan ni Caronan sa binti ang papatakas na si Garaes habang nadakip din si Milan.